Ikinalulugod ng Komite
Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang mainit na tugon ng
sambayanang Pilipino sa panawagan para sa malalaking rali ngayong araw
upang gunitain ang ika-48 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido at
upang mahigpit na punahin ang rehimeng Duterte sa kabiguan nitong
tuparin ang mga pangakong hakbangin para sa usapang kapayapaan.
Ilampung libong mamamayan ang inaasahang magtitipon ngayong araw sa
iba't ibang mga larangang gerilya sa buong bansa pati na sa mga lihim na
lugar sa kalunsuran.
Parangalan natin ang lahat ng mga naging bayani at martir ng
rebolusyong Pilipino. Utang natin sa kanila—silang mga walang pag-iimbot
na nag-alay ng talino, pagod at buhay—ang mga tagumpay sa ating
pakikibaka.
Sa pangungulo ng Partido, nagkamit ang rebolusyonaryong kilusan ng
malalaking tagumpay sa kapakinabangan ng>
mamamayan. Sa nagdaang halos
limang dekada, naitatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan bilang
pinakamalaki’t pinakamalakas na rebolusyonaryong hukbo sa kasaysayan ng
Pilipinas. Naitatag natin ang NDF bilang malawak na alyansa ng mga
pwersang sumusuporta sa armadong pakikibaka. Nakatindig na rin sa buong
bansa ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan.
Sa mga nagdaang taon, nakamit natin ang maniningning na tagumpay sa
pagsusulong ng digmang bayan. Mabilis ang mga pagsulong sa Mindanao,
habang ibinubwelo ang digmang bayan sa mga rehiyon sa Luzon at
Kabisayaan. Hinahalaw ng Partido ang mga aral upang puspusang isulong
ang armadong rebolusyon sa buong bansa.
Nananawagan ang Komite Sentral ng Partido sa sambayanang Pilipino na
ibayong isulong ang ating rebolusyonaryong pakikibaka. Sa harap ng
nagpapatuloy na krisis sa Pilipinas at sa buong mundo, walang ibang
landas para makamit ang maaliwalas na bukas kundi ang landas ng pambansa
demokratikong rebolusyon.
Nananawagan ang Partido na itakwil ang lumang mapang-api at
mapagsamantalang sistemang mala-kolonyal at malapyudal. Ito ang
nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Ito ang nagpapalaki sa monopolyong
tubo ng mga imperyalistang empresa sa bansa. Ito ang nagpapayaman sa
mga malalaking kapitalistang komprador tulad ng mga Ayala at Pangilinan,
Henry Sy, Lucio Tan, Cojuangco at Consunji, kasabwat ang uring
panginoong maylupa at mga dayuhang malalaking kapitalista. Sila ang
humuhuthot ng yaman mula sa pawis ng mga manggagawa. Sila ang kumakamkam
ng lupa at yaman ng bansa.
ANG PAGDURUSA at paghihirap ng bayan sa ilalim ng sistemang
mapagsamantala at mapang-api ang malalim na ugat ng digmaan sa
Pilipinas. Gamit ang AFP at lahat ng makinarya ng paniniil ng Gubyerno
ng Republika ng Pilipinas (GRP), ipinagtatanggol ng mga naghaharing uri
ang mapang-aping sistema; habang isinusulong naman ng mga inaaping uri
ang pagbabagsak nito upang itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan
gamit ang kapangyarihang bayan at lakas ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa simula ay ikinalugod ng sambayanan na nagpahayag ang bagong upong
Presidente Duterte ng GRP ng kahandaang harapin ang mga ugat ng digmaan
sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan. Pinalakpakan natin ang
pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP upang ibwelo ang pag-uusap. Sa
unang serye ng pag-uusap, pinangako niyang magproklama ng amnestiya
upang palayain ang lahat ng detenidong pulitikal at pabilisin ang
proseso ng pag-uusap. Napagkasunduan na maglalabas ng magkatugong
deklarasyon ng walang-taning na tigil-putukan ang dalawang panig at
bubuuin ang isang bilateral na kasunduan para sa tigil-putukan.
Subalit matapos ang ilang buwan, nakapako pa ang mga pangako ni
Duterte. Nasa 400 pang mga bilanggong pulitikal ang nakakulong. Namatay
kamakailan sa kulungan ang isang detenido na si Bernabe Ocasla.
Ginagamit ni Duterte na parang baraha ang mga bilanggong pulitikal upang
pilitin ang NDFP na pumaloob sa kasunduan para sa matagalang
tigil-putukan na hindi pa napag-uusapan ang kalutasan sa
mga problemang pang-ekonomya at panlipunan.
mga problemang pang-ekonomya at panlipunan.
Gayundin, sa kabila ng pag-iral ng magkatugong kasunduan sa
tigil-putukan, walang tigil sa pag-ooperasyon ang AFP sa mga baryo sa
mga sona at baseng gerilya ng NPA. Sa buong bansa, tinatayang aabot sa
mahigit 500 baryo ang sinakop ng AFP mula nang magtigil-putok. Halos
kalahating milyong mamamayan ang apektado ng presensya, paghihigpit,
pananakot at iba pang abusong militar.
Habang nagtatagal na walang kongkretong pakinabang ang bayan sa
usapang pangkapayapaan, at sa harap ng walang-tigil na armadong
operasyon ng AFP sa ilalim ng Oplan Bayanihan at planong Enhanced Oplan
Bayanihan, at bigong pangakong palayain ang mga detenidong pulitikal,
hindi maglalao’y mapupwersa ang Partido na bawiin na ang deklarasyon
nito ng tigil-putukan.
Gayunpaman, tanda ng pagsuporta ng Partido na isulong ang usapang
pangkapayapaan, nagpahayag ang NDFP at Partido ng kahandaan na buuin at
pumirma sa isang kasunduang bilateral para sa tigil-putukan. Gayunpaman,
magkakabisa lang ang tigil-putukang iyon oras na palayain niya ang
lahat ng bilanggong pulitikal.Itatakda rin sa kasunduang ito na
ipag-uutos ang pagtigil ng mga operasyon ng mga yunit ng AFP sa mga
baryo.
Dapat mabatid ng bayan na anumang makakamit sa usapang pangkapayapaan
ay nakabatay sa sigla ng kanilang sama-samang mga pakikibaka at
rebolusyonaryong armadong lakas.
May usapang pangkapayapaan man o wala, ang higit na mahalaga ay ang
patatagin at palawakin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pagkakaisa
at pakikibaka.
NANANAWAGAN ANG PARTIDO sa buong sambayanan, laluna sa masang
anakpawis na mga manggagawa at magsasaka, na sumanib sa mga
organisasyong masa upang buuin ang kanilang lakas. Buuin ang mga unyon
sa mga pabrika upang labanan ang pang-aapi at pagsasamantala. Buuin ang
mga samahang magsasaka sa mga baryo upang bigkisin ang lakas ng
maralitang magsasaka at manggagawang bukid.Patuloy na itatag ang mga
binhi ng rebolusyonaryong gubyernong bayan. Saanmang sulok ng bansa,
buuin ang mga organisasyon para bigkisin ang lakas ng bayan.
Buuin ang mga sangay ng Partido sa lahat ng baryo, komunidad, pabrika,
mga kolehiyo, upisina, pamayanan at iba pa. Ang malalim at malawak na
pagkakaugat ng Partido ang susi upang mapamunuan nito ang buong bayan sa
isang makapangyarihang pwersang magbabago sa takbo ng kasaysayan ng
bansa.
Isulong sa buong bansa ang mga pakikibaka ng masang magsasaka laban
sa pang-aagaw ng lupa, paglawak ng mga plantasyon at pagpasok ng
operasyong pagmimina at iba pang mandarambong, Isulong ang pakikibaka
para sa tunay na reporma sa lupa. Isulong ang malawak na pakikibaka para
sa mas mataas na sahod, laban sa kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng
pleksibleng paggawa.Pakilusin ang mga kabataan at estudyante para
isulong ang kilusang propaganda at makiisa sa mga pakikibaka ng bayan.
Dapat magkaisa ang buong bayan upang labanan ang mga patakarang dikta
ng dayuhang malalaking kapitalista na nagpapahirap at nang-aapi sa
sambayanan. Magkaisa laban sa patuloy na panghihimasok ng US, laluna ang
presensya ng mga dayong tropang Amerikano, para ibasura ang tagibang na
mga kasunduan at labanan pagkontrol nito sa AFP para supilin ang
pakikibaka para sa pambansang paglaya.
Nananawagan ang Partido sa lahat ng kabataan--mga kabataang
magsasaka, manggagawa at mga estudyante sa kalunsuran--na sumapi sa NPA.
Ang pagsasanib ng lakas ng mga kabataan mula sa iba't ibang mga
positibong uri ang lumilikha ng isa sa pinakamalakas na pwersang
tagalikha ng kasaysayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento