Nerissa San Juan (biography)

Nerissa San Juan (Ka Alma)

Mahusay na pulang mandirigma. Huwaran sa mga katulad niyang kababaihang anakpawis, inalay ni Kasamang Nerissa San Juan ang kanyang buhay para sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Isinilang si Kasamang Nerissa Ponggan sa pamilya ng mga maralitang magsasaka sa Tucao, Caramoran sa isla ng Catanduanes. Pagha-got ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang pamilya. Lugmok sa hirap at sakit ang buhay ng mga pamilya ng parahag-ot. Napakaliit ang kita ng magsasaka sa abaka.

Sa murang edad, binalikat ni Nerissa ang mabibigat na trabaho sa pagha-got. Bilang panganay sa magkakasunod na magkakapatid na babae, pinasan niya ang gawaing produksyon na karaniwang kinakarga ng mga kalalakihan upang makatulong sa kapos na kalagayan ng pamilya. Bilang responsableng anak, ginampanan niya ang mabibigat na gawain sa produksyon mula sa paghawan o sakor, pagsupnit, pagbotong hanggang sa pagpasan ng bandala pababa sa bayan.

Nakagisnan na ni Nerissa ang mapagsamantalang hatian sa pagitan ng panginoong maylupa at ng masang paraha-got. Nagpapalipat-lipat para makihag-ot. Kasabay ng mga magulang ang mga bata at maging ang kanilang alagang hayop. Batbat sa trabaho subalit napakababa ng kanilang kinikita kaya laging kapos sa pang-araw-araw na gastusin.

Taong 1999 nang makarating sa masang paraha-got ang bali-balitang dumarami ang NPA sa isla. Di mapigilan ang tuwa at pag-asam ng mga taumbaryo na makilala ang mga pulang mandirigma. Buong alab nilang tinanggap ang Bagong Hukbong Bayan bilang tunay nilang hukbo.

Namulat si Nerissa sa gitna ng kasiglahan ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga kasama sa mga paraha-got para sa pagrerebolusyon.

Kaagad siyang nagpahayag ng kapasyahang magpultaym sa Hukbo. Nakilala siya bilang Ka Alma ng mga kasama at masang magsasaka. Buong tatag niyang hinarap ang pagsasakripisyo at pag-aalay ng sarili para sa bayan. Ang kanyang angking sipag at lakas ay ibinuhos niya sa paggampan ng mga gawain sa rebolusyon. Isa siya sa mga sinanay sa gawaing medikal at hindi naging hadlang ang kanyang limitasyon sa literasiya. Buong sigasig at sigla siyang nagbigay ng serbisyo medikal sa masa.

Bilang mandirigmang babae, hinarap niya ang mga hamon upang mapahusay ang sarili at malampasan ang mga kahirapan sa buhay at pakikibaka. Sa kilusan niya nakilala ang kanyang asawa at nagkaroon sila ng dalawang anak. Sinikap nilang itaguyod ang diwa ng rebolusyonaryong pagpapamilya.

Sa bawat hamon at balakid, pinagsisikapang lagi ni Ka Alma ang pag-igpaw at pagsulong. Wala siyang inatrasang problema sapagkat wala siyang ibang hangad kundi ang pagpapakahusay para sa rebolusyon.

Nagbuwis ng buhay si Ka Alma, kasabay ang kanyang asawa at isa pang kasama sa Brgy Tobrehon, San Miguel, Catanduanes noong Nobyembre 28, 2003. Pinagbabaril sila ng mga elemento ng Military Intelligence Company (MICO). Doon lamang nadiskubre ang mga impiltrador na narekluta, na siyang pumaslang sa kanila.

Sa alaala ng lubos na pag-aalay ng sarili para sa masang api, buong pagpupugay na ipinangalan kay Kasamang Nerissa San Juan ang pamprubinsyang kumand ng BHB sa isla ng Catanduanes.

http://nsjcbicol.wordpress.com/2011/04/29/ka-alma-nerissa-san-juan/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento